KASAL

Maaring naroroon ang pait, hindi mo maiaalis iyon. Pero hindi ibig sabihin no’n ay dapat na malungkot ang lahat ng pagtatapos.

May mga bagay na agad-agad na nawawala, may mga bagay na madaling mawala.

Marami akong mga tinapos na relasyon na hindi naman talaga nagtapos sa tuldok. At gusto ko nang tuldukan ang mga bahaging iyon ng buhay ko.

Mga linyang pumukaw sa aking puso at nagpamulat sa aking mga mata. Ang manunulat ay napakahusay upang bigyan ng ibang pakahulugan ang KASAL na ang alam ng lahat ay sagrado hindi na maaaring mabali o makatapos ng relasyon.

Habang iniisip ko kung ano ang isusulat ko blog na ito, bigla kong naalala kung paano ko naranasa ang mga linyang nabanggit sa taas, maaaring hindi ako kasal o hindi ako nakakaranas ng magkaibang kasarian sa relasyon. Oo, ako ay isang miyembro ng LGBTQ+.

Naalala ko yung huli kong nakasama ng ilang buwan ng may pagmamahal, masaya at punong-puno ng mga alaala sa kanya ko lang naranasan. Nagsimula kami ng makita ko yung post nya sa facebook tungkol sa pagiging broken hearted nya (maaaring isipin mo na ginamit ko yung pagiging malungkot nya upang makuha ang loob nya), kaklase pala sya ng pinsan ko. Nagkita kami sa isang mall, malapit sa aming lugar. Simula noon, araw-araw na kaming magkausap, nagkikita, sandali parang may nararamdaman na akong saya at pagmamahal. Isang buwan ang lumipas, inamin ko sa kanya ang nararamdaman ko, walang nagbago sa amin kahit alam nya ang nararamdaman ko. Akala ng lahat masaya kami, dumating ang isang araw na wala na kaming komunikasyon, hindi ko rin alam kung paano nawala, basta nawala na lamang, hanggang sa nalaman ko na may kasintahan na siya, isang babaeng malapit din sa akin. Dito papasok ang isa sa mga kataga galing sa kwento “may mga bagay na agad-agad na nawawala, may mga bagay na madaling mawala.

Ilang gabi akong umiyak, wala sa sarili, hindi makausap ng maayos, nagpapalipas ng pagkain, laging iniisip kung saan ako nagkulang, kung ano ba ang dapat kong gawin upang bumalik sya sa akin. Wala akong ibang hiniling sa kanya kundi ang sabihin nya sa harapan ko kung bakit sya biglang nawala, hindi ko kailangan na bumalik pa sya kung ayaw nya na talaga, ang kailangan ko ay mga salitang magpapatigil sa akin na umasang babalik pa sya para ipagpatuloy ang aming laban. Kailangan ko tuldok sa aming ugnayan, dahil ayon sa kwento, “Marami akong mga tinapos na relasyon na hindi naman talaga nagtapos sa tuldok. At gusto ko nang tuldukan ang mga bahaging iyon ng buhay ko.

Wala akong ibang ginawa kundi maghintay sa kanya at magdasal na sana unti-unting hilumin ng Panginoon ang aking puso ng siya ay aking mapatawad. Ayon nga sa 1 Corinto 13:3-7, “Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.” Unti-unting hinilom ng Panginoon ang aking puso, hanggang sa makasalubong ko sila ng kanyang kasintahan. Kitang-kita ko sa kanyang mga mata, ang saya sa kung nasan sya ngayon at kung sino ang kasama nya. Dun ko naisip na palayain na siya at palayain ko na rin ang aking sarili sa lungkot at sakit. Hindi ko hahayaan na ang puso ko ay mabalot ng pait at lungkot, “Maaring naroroon ang pait, hindi mo maiaalis iyon. Pero hindi ibig sabihin no’n ay dapat na malungkot ang lahat ng pagtatapos.

Nais ng may-akda na maintindihan natin na hindi lahat ng inaakala nating masaya ay habang buhay na masaya, at hindi dahil nasaktan tayo o nalungkot, dun na titigil ang ating mundo. Ang mga pagsubok sa ating buhay ay binigay ng Panginoon upang subukan ang ating pananampalataya sa kanya. Katulad sa kwento ni Adam at Eve, natukso sila sa isang pagkakamali dahil nawalan sila ng pananampalataya sa Panginoon. Ang pagkakamali na iyo ang nagturo sa atin na ang pagtitiwala ang pinakamagandang sandata upang maging masaya sa buhay.

Lagi nating tatandaan, lalo na tayong mga kabataan, ang pagkakamaling nagagawa natin ay hindi basehan upang mawalan na tayo ng pananampalataya sa Panginoon, pinapatawad tayo ng Panginoon upang matuto tayo.

Pagdating sa relasyon, kapag hindi na masaya ang isa sa magkarelasyon, palayain natin sila, dahil kung kayo talaga, ang ibon ay kusang babalik sa kanyang pugad.

Published by eugenecruz

Currently studying at Polytechnic University of the Philippines

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started