“Ang dangal ng tao ay minamana hindi binibili ng pera.”
Sa buhay ng tao, hindi lahat may pera upang mabili lahat ng kanilang nais. Hindi lahat may yaman upang makamit ang kanilang minimithi. Hindi lahat may gintong kutsara sa bibig upang ipakita sa iba na mas angat sila doon sa mga taong walang sapat na pinansyal upang sustentuhan ang pang araw-araw na buhay. Ngunit ang bawat isa sa atin, mayaman man o mahirap, may trabaho o wala, babae o lalaki, bawat isa sa atin ay may dangal na hinding-hindi maaaring makuha ng kahit na sino.
Sa pamamagitan ng tekstong ito, mas bumukas ang aking mata at isip sa kung ano ang nagagawa ng pera sa paligid natin. Oo, may magandang nadudulot ang pera, pantutos sa ating pangangailangan sa araw-araw gaya ng pagkain, damit, tirahan, tubig at iba pang kagustuhan natin. Ngunit kadalasan, pera din ang nagiging lakas ng isang tao upang magkaroon ng kapangyarihan sa lahat ng bagay. Tulad sa kwento, dahil sa pera na kanyang minana, binibilhan nya ng regalo ang kanyang mga propesor. Gaya ng nakakagawian, ginagawa ito ng ibang mga mag-aaral upang maalala sila ng guro at makikita mo sa kanilang report card kung gaano sila kataas kahit wala silang ginagawa masyado sa klase. Isa pa sa mga nagawa ng pera ni Chris ay ang panliligaw kay Marissa, ginawa niya itong bagay na kung saan nilalagyan nya ng presyo si Marissa upang sagutin siya nito. Ang nakakalungkot pa dito ay yung kanyang linyang sinabi, “Pre kakantutin ko si Marissa. Babayaran ko siya ng one hundred thousand.”
Tandaan mo, ang katawan ng isang tao ay hindi nabibili ng pera, ang dangal nito ay hinding hindi mababalutan ng pera. Dahil ang dangal ay nasa atin na simula ng tayo ay nilikha ng Panginoon. Dapat alam natin kung hanggang saan ang hangganan ng ating kakayahan at kayamanan. Dapat alam natin kung ano ang epekto ng ating mga ginagawa, dahil ang lahat ng iyan ay may kaakibat na resulta o kapalit, maganda man o hindi.
Huwag nating hayaan na matukso tayo sa pera at gamitin ito sa maling bagay, dahil ang pera pag naubos ay napapalitan, pero ang dangal ng isang tao, pag nawala ito, hinding hindi na ito maibabalik. Kahit mag-asawa na kayo o magkapamilya, hindi ka pa rin makapangyarihang tanggalan ng dangal ang isang tao.
Gamitin mo ang iyong kayamanan upang pagyamanin ang iyong sariling buhay at tumulong sa ibang taong sa tingin mo ay nangangailangan. Tayo ay tao lamang, may hangganan ang ating buhay, huwag mong hayaan na sa iyong paglisan ang iyong mga yaman ay wala ng makinabang.
Isa pang punto tungkol sa teksto, ang may-akda ay direkta sa kanyang nais na iparating, hindi niya itinago ang mga salita upang mapaganda ang kanyang gawa tulad ng pagmumura. Bagamat ginamit nya ito upang mas malinawagan tayo sa maaaring maging reaksyon at solusyon sa problema na dumating at darating.